Archive for October, 2008

Sigurado ba yan Ser?

October 28, 2008

There are no guarantees. From the viewpoint of fear, none are strong enough. From the viewpoint of love, none are necessary.

Karaniwan na sa mga naghahanap ng trabaho sa Canada ang siguraduhin kung may guaranteed visa approval daw ba kapag kami ang nag-asikaso ng papeles nila. Minsan nga medyo nababara ko ng kaunti yung sobrang kulet. Yung tipong “eh Sir, bakit don sa kausap naman na ibang consultant sigurado daw kapag sila ang nagasikaso tapos sa inyo hindi?” Na sasagutin ko naman ng “Ay ganun po ba? Hindi po kasi naman ugali ang paasahin ang kliyente namin. Bakit po hindi kayo sa kanila magpaasikaso?” Syempre, matatauhan sya.

Ang iba naman, para daw siguradong makarating sa Canada, magpapakasal na lang daw sa mga Canadians. Kaya may mga nagtatanong tungkol sa fiance visa sa Canada, na wala naman. Hindi rin sigurado na kapag ikinasal ka sa isang Canadian ay makakapunta ka ng Canada.

Minsan mas gusto pa ng ibang tao na marinig ang gusto nila kaysa sa tapatin sila kung ano talaga ang totoo. Kaya minsan may mga naloloko ng mga illegal recruiters. Wala naman kasi talagang maloloko kung walang magpapaloko.

Sabihin mo sa akin

October 19, 2008

May gusto akong gawain pero hindi ko sigurado kung yun talaga ang gusto ko. Hindi ko rin alam kung iyon ba ang dapat at tama.  Nakakalito.

Kung tutuusin, marami akong dapat ipagpasalamat sa mga nangyari ngayong taong ito. Natupad naman ang karamihan sa mga inaasahan kong mangyari lalo na sa trabaho at usaping pinansyal.  Mababaw lang naman kasi ako kaya kaunting biyaya lang ay masayang-masaya na ako.

Pero pakiramdam ko ay may kulang pa rin. Alam ko naman kung ano yun. Hindi ko lang alam kung pwede ba o dapat?

Paano ko kaya malalaman?

It’s so aliw!

October 9, 2008

Noong isang raw, 156 na yung rank ko sa Busby SEO Test contest na sinalihan ko. Nag check ako kanina, officially ay no. 63 na ako.  It’s so aliw! hehe!

Sumali din pala sa sa contest na ito si Doms. Palagay ko ay mas mauuna pa sya sa ranking dahil mas mataas yung page rank ng blog na ginamit nya.  Kaya ngayon, nag-o-optimized na rin sya para sa key phrase na Busby SEO Test. :-)

Good luck sa amin!

Usapang Bus

October 9, 2008

Halos araw-araw akong sumasakay ng bus papuntang opisina. Kapag day off ko naman. madalas ay bumibiyahe naman ako papuntang Pangasinan para bisitahin si Pia at bus pa rin ang aking sinasakyan. Wala pa kasi akong kotse. Hinihintay kong maging piso isang tumpok bago ako bumili.

Ito ang ilang obserbasyon ko sa pagsakay ko sa bus.

Bus sa EDSA

Ayaw na ayaw kong sumakay sa ordinary bus. Masyadong kaskasero ang mga driver ng ordinary bus at kadalasa’y barumabado, bastos at walang modo ang mga konduktor. Hindi naman lahat, pero sa madalas ko ito masaksihan tuwing napapasakay ako sa ordinary bus. Katulad noong minsan na halos isang oras na sa paghihintay ng pasahero doon sa no loading and unloading zone at may nainip na pasahero. Bumaba ito at kinuha ang binayad na pamasahe. Binigay naman ng konduktor, pero sinigawan yung ale na susunod daw ay mag taxi sya.

Paborito ko naman ang Jross na aircon bus. Mga bago kasi ang bus nila at mabango sa loob ng bus. May mga bus kasi na nakakahilo ang amoy ng air freshener na ginagamit. Bihira din ako makatyempo ng barumbadong driver at konduktor sa Jross bus.

Victory vs Five Star

Five Star ako. Madami akong hindi magandang karanasan sa Victory Liner. Isang beses, ang nasakyan kong bus papuntang Pasay mula Pangasinan ay hindi nagbababa sa EDSA, terminal to terminal lang daw sila pwede magbaba. Kung maaga-aga pa lang yun, malamang ay bumaba ako at lumipat. Nakipagtalo pa ako sa kondukor pero sabi nya ay matagal na raw na policy yun ng MMDA, baka daw hulihin sila. Kaya imbes na ibaba ako sa Evangelista, doon pa ako sa Pasay Terminal bumaba. At dahil gabing-gabi na yun, nagtaxi na lang ako pauwi sa bahay. Kung sa Evangelista ako bumamaba, lalakarin ko na lang sana at bahay na. May sumpong siguro yung driver at ayaw ng patigil-tigil.

Madalas namang mangyari sa Victory na yung mga biyaheng Pasay ay hindi na tumutuloy sa Pasay at ibinababa ang mga pasahero sa Cubao terminal. Paghihintayin nila ang mga pasahero ang mga bus galing probinsya na tutuloy sa Pasay. Syempre pa nakipagtalo na naman ako kaya lang ano namang magagawa ko eh ayaw na nga bumiyahe ni Manong Driver. Naisip ko ngang magreklamo sa LTFRB kaya lang abala lang yun sa akin pag nagkataon. Iniiwasan ko na lang sumakay sa Victory Liner.

Mandurukot sa bus

Madalas ako makasaksi ng mga dukutan sa bus. Tuwing sasakay nga ako ng bus sa EDSA, nakaugalian ko na ngang tingnan muna ang mga nakasakay na pasahero at baka nandon yung mandurukot na madalas ko makita.

Madami silang Modus Operandi pero ang madalas ko makita ay yung tuwing maraming bababa at makikipagsiksikan sila habang yung isang kasama naman ay siyang dudukot ng mga cellphone o wallet sa mga bulsa o bag. Ang taga dukot nila na madalas ko makita ay yung matangkad na mamang may dalang bag (black at may sling na green) na wala naman yatang laman. Gamit nya yung bag para itago yung kamay nya.

Meron din namang lalansehin ka sa pamamagitan ng paghulog ng mga coins o di kaya naman ay hinahanap kunwari ang tiket nya. Kapag nakuha nya attention mo, may kasama sya na kukuha naman ng ng wallet o cellphone mo. hehe!

Kaya nga gusto ko na magkakotse. Ang tagal naman mag sale na piso isang tumpok. tsk!

Busby SEO Test

October 6, 2008

Sumali ako sa Busby SEO Test. Ito ang unang beses na sumali sa Search Engine Optimization (SEO). Syempre, hindi naman ganun kalaki ang tsansa kong manalo kasi baguhan lang naman ako sa SEO. Pero ganunpaman, nakakaaliw ito kaya sumali na rin ako. Baka makatsamba. hehe!

Alam nyo kung magkano ang premyo? $5,000 para sa first prize!

Pano nyo ako matutulungang manalo?

Buti na lang at naitanong nyo yan. haha!

Ganito. Gawa kayo ng blog post tungkol sa contest tapos i link yung blog post ko na may anchor text na Busby SEO Test. Klaro?

Hindi pa rin?

Ok, kopyahin nyo na lang ito:

<a href="http://apolthegreat.blogspot.com/2008/10/busby-seo-test.html" title="Busby SEO Test"></a>

Salamat ha? :-)