Sure ka kay Ka Satur!

April 19, 2010

Nanood ako kagabi ng HARAPAN sa Channel 2.  Medyo napuyat pero ayos lang.  Gusto ko kasi talagang mapanood yung debate sa pagitan ni Ka Satur at ni Gen. Palparan.

Medyo bitin ang yung debate at mukhang naging emosyonal masyado si Ka Satur bagay na nakaapekto sa pagpresenta ng kanyang mga argumento at sagot sa mga tanong.  Sabagay, kagalit-galit naman talaga yung nangyayari.  Lagi na lang idinidikit sa kanya ang pagiging NPA gayung 9 na taon na sya sa kongreso.  Kulang na lang ay sabihing mamamatay tao si Ka Satur gayung ang mga kasapi ng BAYAN MUNA ay parang langaw na lang kung patayin sa Mindoro at kung saan man mapadpad si Gen. Palparan.

Samu’t-saring kaso na ang ipinukol kay Ka Satur at minsa’y ikinulong pa nga pero wala namang mapatunayan maging ang Supreme Court.  Hindi nga kasi NPA si Ka Satur.

Pero si Gen. Palparan hindi nya masasabing malinis ang kanyang pangalan mula Melo Commission hanggang sa Supreme Court.  Pero sa kabila noon, ginawa pa rin syang heneral ng amo nyang si GMA bilang parangal.

Sa kabila nito, patuloy pa rin si Gen. Palparan sa pagkakalat ng intriga at akusasyon. Hindi naman ito kagulat-gulat. Ano ba naman ang aasahan sa isang tulad ni Palparan?

Ang nakakagulat ay ang pagkanta rin ni Mareng Winnie na katono ni Gen. Palparan.  Sa programa sa Unang Hirit nitong nakaraan, tahasan ding sinabi ni Mareng Winnie na si Ka Satur ay kasapi ng CPP NPA.

Maaaring may makumbinse si Palparan sa kanyang mga akusasyon kay Ka Satur.  Pero sa isang tulad ni Marang Winnie, ang hirap isipin na nakumbinse sya ni Gen. Palparan.  O trabaho din ba ni Mareng Winnie na sirain ang kredibilidad ni Ka Satur?  Nasa media si Mareng Winnie at hindi naman siguro sya tanga para hindi malaman ang pagkakaiba ng Bayan Muna at NPA.  Pero sa kabila noon, pinaparatangan nya pa rin nya si Ka Satur na NPA.  Ang labo.

Ganun din ang Liberal Party.  Katonong-katono ang kanta kay Palparan.  Si Villar daw ang kandidato ng CPP NPA. Dahil sinuportahan siya ni Ka Satur at ng MAKABAYAN Coalition?

Walang ibang maipukol laban sa kakayanan at kredibilidad ni Ka Satur kaya panay ang paninira sa kanya. Magtulong-tulong man sina Gen Palparan, Mareng Winnie at Liberal Party sa paninira laban kay Ka Satur, hindi nito maitatago ang katotohanang marami ng napatunayan si Ka Satur kung pakikipaglaban din lang naman sa karapatang pangtao ang pag-uusapan.

Nakasakay ka na ba sa Kalesa?

December 31, 2009

Kalesa

Namasyal kami ni Pia sa Manila Zoo noong isang araw.  Noong pauwi na kami, may nakita kaming kalesa at inalok kaming ilibot sa Baywalk at Luneta.  P100 lang ang siningil sa amin.

Bagong Taon, Bagong Ako!

December 29, 2009

Matagal-tagal ko na rin palang hindi man lang natingnan ang blog kong ito.  Madami kasing inasikaso at inunang mga baga-bagay kaya bihira na ako makapag-blog dito.   Pero lagi pa rin naman akong online.  Active pa rin naman ang mga pinagkakakitaan kong mga blogs – Life is What You Make It, Canada Visa Philippines at Batangas Beach Resorts. Madalas ko na ring i-update ang photo blog ni Pia.  Halos araw-araw ay may bagong entry, gamit ang scheduled posting ng Blogger.Com.

Magiging madalas na rin ang entry ko dito sa blog na ito dahil may tiyak na akong tema para dito, hindi katulad dati na parang halu-halong kalamay.

Sa mga nakaraang limang taon, masasabi kong naging pinakamasagana para sa akin ang taong ito.  Bagama’t hindi ako nakabili ng bagong kotse ngayong taong ito, malaki naman ang posibilidada na matupad ito sa 2010.  Pero malamang sa hindi muna ako kumuha ng brand new car gaya ng payo ng kaibigan kong si Jay.

Medyo naging magasatos ako ngayong 2009 kaya kakaunti lang ang naipon sa bangko.  Namasyal naman kami sa Panglao Island sa Bohol at sa Hong Kong kasama si Pia at Setsu.  Ok na rin naman.  Kapag may pagkakataon, sisikapin kong gawing taun-taon ang kahalintulad na pamamasyal.  Magbabawas na lang sa ibang gastos at kakayod pa ng doble.  Life is too short, sabi nga nila.  Kailan mo pa ito i-e-enjoy?

Malinaw na rin ang direksyon na gusto ko talagang tahakin.  Magiging mahalaga ang 2010 dahil ito ang panahong aking itinakdo para pagpasyahan na kung ano ba talaga ang dapat.  Mahirap namang ipilit ang inaakala mong dapat kung hindi naman ito ikakasaya ng iba.  Sa palagay ko rin, may mga pagkakataon na ipinipilit ko ang isang bagay na inaakala kong magpapasaya sa iba pero ang totoo, sarili ko ang iniisip ko.  Magulo ba?  Basta, ganun.  Ang mahala, ngayon ay alam ko na kung saan ako madalas nagkakamali.  Kailangan ng mas malawak na pang-unawa, yun ang aking gagawin.

Magiging masaya, masagana ay matiwasay ang taong 2010!

Judge others by their questions rather than by their answers.

November 12, 2009

Araw-araw ko tinatawagan si Pia sa celphone, salamat sa SMART TALK, para makipagkwnetuhan- sa umaga bago pumasok, sa hapon pagkagaling sa school at sa gabi bago matulog.

Eto ang bahagi ng pag-uusap namin kanina:

Ako: Kumusta ka na po?

Pia: Mabuti po.

Ako: Anong ginawa nyo sa school kanina?

Pia: Syempre nag-aral. Ano pa bang ginagawa sa school? Eh di nag-aral…

Natawa na lang ako sa sagot nya. O dapat ba akong kabahan? hehe!

Kargador Mode

September 29, 2009

Wala naman akong speed boat at mahina din ako sa languyan. Gustuhin ko mang pumunta sa Marikina at tumulong sa pag-rescue, baka ako lang din ang mapahamak at problemahin pa ng mga rescuers. Kaya inaya ko na lang ang kaibigan ko na pumunta sa Red Cross noong isang araw..

Proud Kargador

Marami tayong kababayan ang nagugutom, nilalamig sa baha at walang matuluyan dahil sa bagyong Ondoy. Kung kaya nating tumulung kahit sa maliliit na paraan, gawin na natin. Tsaka na natin singilin ang mga !@#$%^YUI sa Malakanyang.

Kung nasa labas ka naman ng bansa o hindi kayang makapunta sa mga relief operation centers, baka kaya mo magdonate na lang. Pwede mag-donate online gamit ang paypal dito: TxtPower.Org

You may be deceived if you trust too much, but you will live in torment if you don’t trust enough

September 26, 2009

Sagot ko ito sa blog ni Ella: What are the odds?

Tungkol kasi ito sa case ni Baby Daniel. Yung solicitation letter ng mommy ni Daniel ay may mga kaparehas na sulat at iniba lang ang petsa, pangalan at iba pang detalye. Ang totoo, hindi ko alam na may ganun pala. Nagulat din ako at nakakaduda naman talaga sa biglang tingin.

Nag-iwan ako ng comment sa blog nya.

You raised a valid point. Madami talagang scammers.

Like you, I also blogged about Yuki. By the way, Yuki’s father is now helping Baby Daniel’s mother too. And from one of their email exchanges, which I am copied, it appears that mothers of those with similar cases has this little support group. If those other letters are not scams, my theory is that they just copied the letter from other mothers. This can easily be validated first before giving donations (if we want to). But to insinuate that this could be scam without validating first is not good. Kung may anak kang nanganganib ang buhay, the last thing sigurong iintindihin mo ay grammar.

May kaibigan akong nakatapos sa college sa tulong ng mga solicitations na ginawa nya sa internet. Nakakaduda naman takaga ang gawin nya yun, may mga nagmura pa nga daw sa kanya. Ngayon, tumutulong na rin sya sa mga kagaya nya dati. Mahirap ang pinagdaanan nya at may mahalaga akong natutunan sa kanya. Sabi nya, kung hindi ka rin lang tutulong at hindi ka sigurado kung nanloloko yung humihingi ng tulong, huwag ka na lang magsalita. Masakit daw iyon sa pakiramdam sabi nya. sya yung pinoywebdev na nasa blog mo, school mate ng mother ni Daniel.

Syanga pala, school mate ko rin si Clarissa at narito yung thread para kay Daniel for your additional reference. http://www.asmsi.org.ph/discussion/viewtopic.php?f=12&t=251. There you will see how her schoolmates are helping Daniel.

Nagkalat naman talaga ang mga scammers sa mundo. Naku, dahil sa trabaho ko, ang dami kong nasasaksihang panloloko sa internet. Kaya nga ang ginagawa ko ay inilalantad ko ang mga scammers na ito. Pero iyon ay matapos kong suriin kung scam nga.

At the height of laughter, the universe is flung into a kaleidoscope of new possibilities

September 16, 2009

Photo_091609_001
Saksi ang mga siomai na ito sa walang humpay na tawanan. Dala-dala ko ang ala-alang ito hanggang sa pagtulog malamang. Salamat.

The best way to cheer yourself up is to try to cheer somebody else up.

August 27, 2009

Ang babaw ko talaga.

Burger, french fries, soft drinks, tawanan, kwenuhan, kulitan at kung anu-ano lang na kababawan. Solved na solved na ako don. Syempre.

Sa sweldo ulit? hehe!

Pero tama ba yung narinig ko kanina? hmmm….

Pacquio: Bayani ng lahing Pilipino?

May 9, 2009

Papunta ako kanina sa Mall of Asia nang makita ko yung banner na nakasabit sa MRT station sa sa Pasay Rotonda para kay Manny Pacquiao. Siya raw ay bayani ng lahing Pilipino at galing ang mensaheng iyon kay Gloria Macapagal Arroyo. Kaugnay ito ng pagkapanalo ni Manny Pacquiao kay Ricky Hatton.

Magaling naman talagang boksingero si Pacquiao, walang duda yun. Pero yung tawagin syang bayani ng lahing Pilipino, lokohan na yun!

Ano ba ang nagawa ni Manny, bukod sa manalo ng limpak-limpak na salapi sa pakikipagsuntukan sa ring, para tawagin syang bayani ng lahing Pilipino? Dahil nagkakaisa ang mga Pinoy at nababawasan ang krimen tuwing may laban sya?

Sus! Eh yun ngang simpleng self quarantine requirement na munghkahi ng DOH pagbalik nya dito ay ipinagwalalng bahala nya.  Iyon ay para masiguradong hindi maikalat ang swine kung sakali man na may infected na ng swine flu sa team nya. Yun ba ang bayani?  Nagagalit tuloy si Doc Emer.🙂 Sabi ko nga, hintayin nyong maging kongressman yan. hehe!

Kung yun ang pamantayan para maging bayani, pwede na rin siguro tawaging santa si Aling Dionisia dahil laging nagdadasal at may bitbit na Sto. Nino. At tsaka sabi nya sikit na rin sya. Uhm… sige na nga. Sikat na naman talaga si Aling Dionisia dahil sa media na kulang na lang ay ibalita kung anong kulay ang tae ni Pacquiao matapos ang laban kay Hatton.

Hindi nga, paano naging bayani ng lahing Pilipino si Pacquiao?

Bonding sa Bohol

April 18, 2009

Tatalong araw matapos ang Baguio City Tour kasama ang dalawang kaibigan, bumiyahe ako ulit para sa isa pang bakasyon. Pumunta ako sa Panglao Island sa Bohol kasama naman si Pia. Regalo ko ito sa kanya kasi nga 1st honor sya sa kinder class at may award sya doon sa moving up ceremony nila.

chocolatehills

Chocolate Hills Philippines

Tatlong araw at dalawang gabi kami sa Bohol. Marami kaming pinuntahan kasama na ang Chocolate Hills at kumain din kami don sa floating resturant sa Loboc River.

First time ni Pia sumakay ng eroplano kaya medyo kabado ako at baka matakot. Mabuti na lang at sabi nya pa nga ay parang hindi gumagalaw yung eroplano noong nasa ere na kami. Tinanong nya pa nga ako bakit walang trapik sa eroplano at syempre binigyan ko sya ng scientific explanation. Kasi anak hindi nakikialam si sa eroplano si Bayani Fernando. Nasa van na kasi kami noong tinanong nya ako at sakto namang nagkalat yung mga posters ni BF sa daan.😀

Ang natakot sya ay doon sa bangka, noong nag island hopping kami. Muntik na nga kaming magrosaryo habang nasa bangka. Hindi nya tuloy masyado na-enjoy yugn dolphin watching. Magdasal daw kami para hindi lumubog ang bangka.🙂

Muntik na ako tumabling doon sa Balicasag Island. Nagpaluto kasi ako doon ng makakain namin at gusto raw ni Pia ng tinolang manok. Akalain mong ang isang kilo ng manok doon ay P300! hehe!

Sa kabuuan ay nag-enjoy naman si Pia. Kapag first honor daw sya ulit doon ulit kami pumunta. Sabi ko sa kanya ay depende yun kung may pera pa kami. Kung wala daw eh di sa bahay na lang kami. Ayuz!